
“Congratulations!”
Gan’yan ang mensaheng natanggap ko galing sa ‘yo nung nagpost ako ng kaunting pasilip ng graduation picture ko.
Hindi ko na alam kung ano ba dapat kong maramdaman nung mabasa ko yung mensaheng ‘yon. Parang nasa isang rollercoaster ride kasi ang emosyon ko nung mga oras na ‘yon. Kinikilig ba ako? Ninenerbyos ba ako? O sadyang umepekto na yung pangalawang baso ng kape na ininom ko nung araw na ‘yon?
Naalala ko tuloy nung mga panahong kasa-kasama kita — nawawala lahat ng ingay sa utak ko. Sa sobrang gaan ng presensya mo, nakalimutan ko lahat ng mga bagay na gustong isumbong sa ‘yo.
Gustung-gusto kong mainis sa ‘yo dahil kuhang-kuha mo ako, na kahit ang mga masasamang boses sa utak ko ay napapangiti mo. Naiintindihan mo lahat yung mga bagay na trip ko sa buhay, kahit gaano man ‘yan ka-weird ‘yan. Hinayaan mo ako na tanggapin lahat ng mga quirks ko — yung mga trip kong keychains, ballpen, at kahit musika. Sa madaling salita, kuhang-kuha mo yung kiliti ko.
Naalala ko rin na naging sandalan kita noong mga panahong kinukwestiyon ko pa yung sarili ko pati na rin ang ibang mga desisyon ko sa buhay. Kahit ilang beses na akong pumalya, nand’yan ka pa rin — handang makinig at yumakap. Naiintindihan mo ako ako lalo na sa mga pagkakataong hindi ko na kayang intindihin ang sarili ko. Sa mga panahong kalaban ko ang mundo pati na rin ang aking sarili, pinaramdam mo sa akin na kakampi kita.
Hays… ewan ko ba sa ‘yo! Bakit ba kasi ang dali mong magustuhan? Ikaw kasi yung tipo ng tao na hindi mo kailangang gumawa ng kung ano-ano, pero hulog na hulog na ako sa ‘yo. Ikaw na ‘yan, eh!
Okay, back to reality na…
“Salamat.”
Ayan naman ang ni-reply ko sa ‘yo no’n — pero sa totoo lang, higit pa sa salitang ‘yan ang nais kong sabihin sa ‘yo. Ni hindi ko nga alam kung paano ko masusuklian ang iyong kabutihan. Kung alam mo lang, sobrang saya ng puso ko na naging tahanan kita — kahit hindi mo namamalayan.
At yun na nga… finally, ga-graduate na rin ako.
Ngunit gayunpaman, dadalhin ko ang aking medalya na may dalang ligaya’t lungkot — dahil kahit naisakatuparan ko man ang pangarap kong makapagtapos, napagtanto ko na kahit paikut-ikutin man ang mundo, hanggang pangarap lang kita — isang pangarap na kailanma’y hindi magiging akin.
: Irish Occeño
: Keith Victor F. Ayes
: Angeline Avendaño
: Bea Reyes