
Sa paghahanap ko ng pagmamahal, ikaw ang aking natagpuan. Nakakatuwang noon ay hindi naman pala boyfriend ang aking kailangan. Kundi isang kaibigang handa akong hilahin mula sa kadiliman. Tapos ang cute pa na ginawa mong personality ang iyong pangalan. Kasi, wdym, ang ibig sabihin noon ay pagmamahal at kaligayahan—na pareho mong naibibigay sa bawat taong iyong sinasamahan.
Sa paghahanap ko ng pagmamahal, ikaw ang aking natagpuan. Kaibigang kapag wala akong ganang kumain ay handa akong subuan. Kaibigang, sa sobrang close, ay handang makipagkasal-kasalan sa akin. Kaibigang kapag puyat ako sa duty ay handang maging aking sandalan. Kaibigang kasama sa gala at review-han. At kaibigang dadamay sa akin at makikipag-iyakan.
Sa paghahanap ko ng pagmamahal, ikaw ang aking natagpuan. Kasabay mo rin ang Sentry na aking naging tahanan. Sa kabila ng kalungkutang noon ay aking nararamdaman, sila—kasama ka—ang aking naging kalakasan. Apat na taon na pala ang nakalipas mula noong ito ay aking sinalihan, pero pakiramdam ko ay hindi pa ito ang katapusan.
Sa paghahanap ko ng pagmamahal, kayo ang aking natagpuan. Hindi man ang fantasy kong college life ang aking kinahinatnan, alam kong may rason sa lahat ng aking pinagdaanan. Ikaw kasama ang Sentry ay aking bitbit saan man ako dalhin ng kapalaran, kasama ang mga aral sa buhay na sa inyo’y aking natutuhan.
: Leila Ellaine Valeroso
: Keith Victor Ayes
: Ron Capillo
: Bea Reyes