Academics

Alumni Events and Announcements

Nagsimula akong pumasok sa Bulacan Public Community College (BPCC) noong ika-17 ng Hunyo, 1991. Ito ay matatagpuan pa sa Capitol Compound, Malolos, Bulacan. Tuwing hapon ang pasok namin, sakto sa pag-uwi ng aking nanay, Arlita C. Bautista isa ring graduate ng BPCC. Sa araw, ako ang tagapag-alaga sa aking bunsong kapatid na si Herbert Allan (Bistek) Bautista, graduate din ng BPC. Katulong ko sa pag-aalaga kay Bistek ang aking mga kapatid na sina Alexander C. Bautista at Cherry Ann C. Bautista, kapwa graduate din ng BPCC.

Masasabi kong napakasimple ng buhay ko sa BPCC. Fishball at samalamig sa amin ay sapat na. Mayroon kaming Foundation Day at Steno-Typing Test na lagi naming pinaghahandaan. Meron ding sportsfest: volleyball sa mga kababaihan at basketball naman sa mga kalalakihan. Natatandaan ko pa tuwing Foundation Day noon sa tuwing may ginaganap na Stenography Test, Typing Test (Speed Test) at iba pang mga paligsahan gaya ng volleyball at basketball game, kami at ang iba pang mag-aral ay buong galak sa pakikilahok, lalo na at kami-kaming magkakaibigan ay maadaalas nanalo sa nasabing mga paligsahan. Natandaan ko pa, na minsan akong naitanghal bilang Best in Typing sa aming Foundation Day at gayundin, noong graduation day namin, bukod sa pagkakamit ng Most Outstanding Student ay binigyan din ako ng special award na Best in Typing.

Malaki ang naitutulong ng BPC sa mga nagnanais makapagpatuloy ng pag-aaral sapagkat nagiging tulay ito upang maabot ang pangarap ng isang mag-aaral…ang makapagtapos ng bokasyonal nang sa gayon ay makapagtrabaho, ayon sa kanyang kakayahan (skills). Ang dalubhasaan ang tila naging daan upang makamit ang pangarap ng simpleng mamamayan, lalo’t higit ng mga maralitang mag-aaral na nagnanais makamtan ang kanilang pagnanasang makapagtapos ng pag-aaral, makapagtrabaho ng maayos at kung sakaling nagtatrabaho na, ay magkaroon ng pagkakataong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa mataas na antas. Madarama ang pagmamalasakitan sa aming paaralan dahil ang turingan sa bawa’t isa ay parang isang pamilya. Napakagaan ang naging daloy ng aming pag-aaral. Kung kaya ako ay nakapagtapos ng Secretarial Science sa BPCC noong ika-20 ng Marso, 1993.

Hindi na nakabibigla ang makita ang pag-unlad ng BPC. Sa dami ng natulungan ng BPC, isa na ako doon at ang aking pamilya, mula sa aking ina at mga kapatid, nagsilbing liwanag sa kadiliman, pag-asa at biyaya sa mga hirap sa buhay, naging daan ang BPC upang patuloy na mangarap. Naging tulay ang BPC sa kaunlaran ng mga nagsipagtapos dito. Sa ngayon, lumawak at dumami ang mabibigyan ng pagkakataon sa buhay, na bagama’t mahirap, ay makapagpapatuloy sa pag-aaral – at sa pag-abot ng kanilang pangarap. Nakakatuwang isipin na mula sa isang simple at maliit na pamilya – ang Bulacan Public Community College noon ay naging malaki at progresibong pamilya na ngayon – ang Bulacan Polytechnic College, mas marami ang naaabot, mas malawak ang natutulungan at sakop, sa iisang intensyon – na maiangat ang larangang pang-edukasyon lalo na ng mga maralita, at sa kalaunan ay maging kapaki-pakinabang na bahagi ng lipunan.

Atty. Eden C. Bautista